
Napakalinaw ng mga plano ko sa buhay.
Pinagawa kami dati noong high school ng blueprint ng mga plano namin within the next 10 years, at ako na siguro ang may pinakamagandang nagawa.
Matapos makapagtapos sa peryodismo, magtatrabaho ako sa isang call center. At sa unang sahod ko, bibili ako ng mga damit, maraming damit na pamasok sa trabaho. Kapag marami na akong damit, mag-aapply na ako kung hindi sa Inquirer, ay sa Philippine Star.
Pero sira na ang plano. Bulilyaso. Hindi pa man ako tapos sa kurso ko (dahil hindi ako makakapag-aral ngayong semestre), mag-aapply na ako sa isang call center. Napaaga. Bulilyaso.
Nakakalungkot man, marami pa ring mga bagay na dapat kong ikatuwa. Makakapagkape na rin ako nang walang sumisita sa akin. Makakapag-yosi na rin ako nang walang sumisita sa akin. Makakauwi na rin ako kahit anong oras nang walang sumisita sa akin. Makakatulog na rin ako ng walang hanggan.
At kapag napigtas na ang mga hangganan, gigising ako at papasok na sa trabaho. Magkakape. Magyoyosi. Uuwi. Tutulog.
At kapag napigtas na ang mga hangganan, gigising ako at papasok na muli sa trabaho. Magkakape muli. Magyoyosi muli. Uuwi muli. Tutulog muli.
At kapag napigtas na ang mga hangganan, gigising ako at papasok na naman sa trabaho. Magkakape na naman. Magyoyosi na naman. Uuwi na naman. Tutulog na naman.
Magpapaulit-ulit ang mga tagpo. Magiging black and white ang buhay ko. Boring at paulit-ulit. Boring at paulit-ulit. Boring at paulit-ulit. Boring at paulit-ulit. Boring at paulit-ulit. Boring at paulit-ulit. Boring at paulit-ulit. Boring at paulit-ulit. Boring at paulit-ulit. Boring at paulit-ulit.
At kapag marami na akong damit, siguro makakapag-aral na akong muli.
